Arthur Nery, naungusan ang BTS sa Spotify; "Pagsamo" 32M views na sa YouTube

Labindalawa sa mga kanta ni Arthur Nery ang pasok sa Top 50 Philippines Chart ng Spotify noong October 2021.

Kaya ipinahiwatig ng sikat na audio streaming site na tinalo ng Cagayan de Oro-based singer nang mahigit 200,000 streams ang BTS, ang sikat na Korean boy band, sa Pilipinas.

Si Arthur ay nangunguna ngayon sa mga baguhang Pinoy male singer at sumikat nang husto sa panahon ng coronavirus pandemic

Sa exclusive interview ng Cabinet Files kay Arthur, tinanong namin sa kanya ang balitang naungusan niya ang BTS sa Spotify noong nakaraang buwan.

"I can’t explain it ‘coz I appreciate BTS like their production and everything. Kumbaga, considered ako na fan, so I don’t know what to feel.

"Siguro happy ‘coz of the achievement," sagot ni Arthur. 

Hindi makapaniwala si Arthur na monster hit ang "Pagsamo," ang kanyang bagong single na sariling komposisyon niya.

Sa YouTube ay umabot na ng 32 million ang lyric video nito. 

Maraming netizens ang nagsasabing naka-relate sila sa heartbreaking song ni Arthur. 

"Dahan-dahan na po siyang nagsi-sink sa akin na people really appreciated the song and I’m just so thankful and happy kasi kahit sa konting paraan, na-express ko yung emotions ko.

"Actually, hindi ko alam na na-express ko nang valid yung emotions ko sa mga tao.

"Super thankful din ako dahil until now they keep on streaming 'Pagsamo' and it makes my heart happy," saad ni Arthur. 

Tumanggi si Arthur na sabihin ang inspirasyon nang isulat niya ang "Pagsamo."

Sabi niya, "Ang inspiration ko, secret, pero based on true events po siya.

"I just felt like I wanted to make a song about my previous loved one. 

"It was very fast ‘coz the idea was already there. Nung isinulat ko siya, alam ko na ang mangyayari sa areglo, sa lyrics.

"Parang narinig ko na siya sa isip ko so it was easier to execute. 

"I think, I wrote it for like a day habang nasa studio ako from 8 p.m. to 5 a.m. Natapos ko siyang isulat from 8 p.m. to 10 p.m.

"Then, ni-record namin siya, 10 p.m. onwards, so madaling-araw talaga siyang trabaho."

ARTHUR'S SOURCE OF MOTIVATION 

Itinuturing ni Arthur na isang nakasanayan niyang ritwal ang hingin ang opinyon ng kanyang ina at kapatid sa tuwing magsusulat siya ng mga bagong kanta.

Para kay Arthur, malaki ang kontribusyon ng kanyang mga mahal sa buhay sa tagumpay ng mga kanta niya.

"At first, hindi ko alam na ritual pala siya, but I always ask my mom kung if the lyrics is okay and my brother, ‘coz my kuya is a writer too and a filmmaker so he knows what’s going on about the story.

"Tinatanong ko sila. Yung kuya ko, may one-on-one session kami. Tinatanong niya ako why is this like this and like that?

"Then I get the chance to express every details sa kuya ko which is very okay for me kasi I get to express the story first saka ko siya isusulat.

"My kuya is a very huge part of my songwritings kasi idol ko siya sa pagsusulat."

ARTHUR'S DOWNTIME: MALLING AND SLEEPING

Kahit na sumikat na ang kanyang mga awitin ay nananatiling simple ang pamumuhay ni Arthur. 

Simple lang ang mga bagay na nakapagpapasaya sa kanya.

Lahad ni Arthur, "Sa lifestyle, wala naman masyadong nagbago kasi dati pa lang, hindi ako malabas [ng bahay] na tao.

"Lumalabas ako with friends. Same din lang naman right now.

"Pero hindi rin maiiwasan na minsan, may mga lumalapit sa mall and it’s the least I could do to the fans, picture-picture.

"Very healthy naman so far ang effect niya for me and I have a very, very nice and happy fans. It reflects din."

May gantimpala o reward ka ba sa sarili sa tuwing nagkakaroon ka ng mga hit song?

"Tulog! Yun ang number one," sagot ni Arthur.

"How ironic, tulog ang reward ko sa sarili, like I sleep the whole day kapag may natapos ako na malaking project."

Matindi raw ang disiplina niya sa sarili. 

"Kapag may natapos akong song, mine-make sure ko talaga to do the next one, so tulog talaga and rest.

"Pumupunta lang ako sa mall, kahit kung anu-ano lang ang binibili ko pero may limit naman ako always sa money.

"Hindi naman ako magastos. Hindi ako sanay na nakakabili ako ng mga gamit, itini-treat ko na lang ang sarili ko."

GRATEFUL TO HIS FANS

Para kay Arthur, biggest achievement niya sa panahon ng pandemya ang pagkakaroon ng fans na talagang nagustuhan ang kanyang mga kanta. 

"Siguro the amount of people and fans that’s creating a community, a healthy community.

"Marami ang mga taong naging friends, nakahanap ng friends nila, nakahanap ng loved one through my music. 

"Although yung iba nasaktan, but it’s still an achievement to know that my music connects people. Nagagamit siya to express their emotions, feelings."

Umaasa si Arthur na malapit na niyang makita nang personal ang mga taong tumatangkilik sa kanyang kanta. 

"Super cliché? But gusto kong sabihin sa fans ko nang harap-harapan na thank you,” saad ni Arthur.

Dugtong niya, "Thank you ang masasabi ko for now, saka ko na siya idi-detail kapag face-to-face na.

"I wanna express it as genuine as possible ‘coz I’m really thankful sa mga sumusuporta sa music ko.

"They’re always there kahit na I don’t post videos of me singing or I don’t update much on social media, they’re still there.

"Kahit na natutulog ako, alam ko na sinusuportahan nila ako, which is very nakakataba ng puso and may peace of mind ako.

"I know people are supporting my music kahit ano ang gawin ko sa buhay. It’s so overwhelming.”

[ArticleReco:{"articles":["162239","162234","162238","162229"], "widget":"Hot Stories"}]

Source: pep.ph

Arthur Nery, naungusan ang BTS sa Spotify; "Pagsamo" 32M views na sa YouTube